No menu items!
More

    USWAG WIKANG FILIPINO, USWAG! Ulat sa Estado ng Wikang Pambansa 2018

    Aligned with this year’s celebration of Linggo ng Wika 2018, the Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) has released their state of the language address (SOLA) as follows:

    USWAG WIKANG FILIPINO, USWAG!
    2018 Ulat sa Estado ng Wikang Pambansa

    Sa Panulat ni Virgilio S. Almario

    PAGKATAPOS NG LIMÁNG taóng tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), isang karangalan kong iulat ang malalaking hakbang na tinupad ng Komisyon tungo sa pag-uswag ng Filipino bílang wikang pambansa gayundin sa pangangalaga ng mga wikang katutubo ng Filipinas. Ipinagpapasalamat ko sa naturang tungkulin ang pagkakaroon ng isang Kalupunan ng mga Komisyoner na simula nang mabuo noong Marso 2013 ay naging totoong masigasig at nagkakaisa upang mabisàng isakatuparan ang tadhana ng 1987 Konstitusyon at mga atas ng Batas Republika Blg. 7104. Bukod sa pangyayaring ngayon lámang nabigyan ng karampatang pagkilála ang Kalupunan ng mga Komisyoner bílang pangunahing kapangyarihan ng Komisyon ay naging kapalaran kong makatrabaho ang mga táo na masugid na nagmamahal sa Filipino at mga katutubong wika ng bansa at nakalaan para sa mabibigat at kailangang serbisyo publiko upang magtagumpay ang Komisyon. Napatunayan ko ring may nagkakaisa at nakakatulad kaming mithiin para wastong mapatnubayan ang Komisyon. Kayâ naging magaan para sa amin ang mabilisang pagbuo ng isang medyo matagalang plano (medium term plan) para sa tatlong taón, ang KWF Medyo Matagalang Plano 2013-2016—ang kauna-unahang nakasúlat na matagalang pambansang planong pangwika sa Filipinas.

     

    Para sa akin at sa aking mga kasámang komisyoner, lubhang nabalam ang pagpapalaganap at pagpapayaman sa Wikang Pambansa dahil hindi lumikha ng isang matagalang pambansang planong pangwika ang nakaraang mga pamunuan mulang 1937. Walang naging malinaw na mga taunang target sa pagkilos, kayâ nagmistulang tagapanguna at tagapagpagunita lámang ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) at KWF noon sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika (na naging Buwan ng Wika) hanggang noong Agosto 2012. Epektibong binago ng KWF Medyo Matagalang Plano 2013-2016 ang paraan ng pagkilos at pagtupad sa misyon ng Komisyon. Nilagom ko ang mga naging pag-uswag ng wikang Filipino sa aking “Mga Misyon ng Komisyon sa Wikang Filipino” sa pambansang kongreso noong 5 Agosto 2015 sa Pangasinan. Inilatag ko rin sa naturang lagom ang mga gawain na naging saligan naman sa pagbuo ng kasalukuyang KWF Medyo Matagalang Plano 2017-2020. Kung tutuusin, sa pamamagitan lámang ng pagsangguni sa KWF Medyo Matagalang Plano 2017-2020 ay maaari nang matukoy ang kung ano ang nagiging direksiyon ngayon ng Komisyon at kung ano ang mga ginagawa o hindi ginagawa ukol sa wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas.

     

    Nais ko pa ring magbigay ng kaukulang patnubay para sa sinumang interesado, lalo na tungo sa pagpapalusog pa ng medyo matagalang plano at mga posibleng nakakaligtaang makabuluhang gawain.

     

    Hindi man binanggit, nag-umpisa ang medyo matagalang plano mula sa pagsusuri ng mga lakas at kahinaan ng nakaraang panahon ng Komisyon. Sa aking personal na pagsipat sa nakaraan, may dalawang malaking bagahe ang nagdaang mga pamunuan. Una, ang inihihimutok noon pang SWP ito na kawalan ng taguyod mula sa pamahalaan at masasalamin sa napakaliit na taunang badyet para sa gawaing pangwika. Ikalawa, ang pagbabantulot ng unang pamunuan, ang panahon ni Ponciano BP Pineda, na isúlong ang ninanais na “Filipino” ng 1973 Konstitusyon at ang kawalan naman ng malinaw na bisyon kung paano tutupdin ang 1987 Konstitusyon ng sumunod na pamunuan nina Buenaobra, Nolasco, at Jolad Santos.

     

    Sinagot ng kasalukuyang pamunuan ang ikalawang bagahe sa pamamagitan ng misyong: “Itaguyod ang patuloy na pag-unlad at paggámit ng Filipino bílang wikang pambansa hábang pinangangalagaan ang mga wikang katutubo ng Filipinas tungo sa pagkakaunawaan, pagkakaisa, at kaunlaran ng sambayanang Filipino.” Mapapansin sa misyon na ngayon lámang tahasang ipinahayag ang tungkulin ng Komisyon na pangalagaan ang mga wikang katutubo ng bansa. Mahigpit ding kaugnay nitó ang hangaring iuswag ang Filipino sa pamamagitan at sa tulong ng mga wikang katutubo. Ang paggámit ng Sebwano-Ilonggong “uswág” ay simbolikong palatandaan ng naturang hangarin. Maganda ding banggitin sa yugtong ito na ang pagbuo at pagpapalaganap ng Ortograpiyang Pambansa mulang 2013 at ang kasalukuyang pagsisikap na ibukás ang pagbuo ng Gramatikang Filipino sa paglahok ng mga wikang katutubo ay bahagi ng pagtupad sa naturang misyon ng Komisyon.

     

    Ang unang bagahe ay sinagot ng kasalukuyang pamunuan sa pamamagitan ng malikhaing mga taktika upang ganap na maiukol sa mga produktibong proyekto ang kasalukuyang maliit pa ring badyet at ng paghahanap ng dagdag na pondo para sa mga bagong proyektong pangwika. Sa loob ng nakaraang limáng taón ay napatunayan naming hindi totoong maliit ang kasalukuyang taunang badyet ng Komisyon kung gagamítin nang maingat at mahusay. Napatunayan din namin na malakí ang posibilidad na makakíta ng dagdag na taguyod mula mismo sa pamahalaan kung may idinudulog na magandang proyekto at kung mapatutunayan ng Komisyon ang kakayahan nitóng magsagawa ng gayong proyekto.

     

    Pagtataguyod sa mga Adhikang Pangwika

     

    Mula sa naturang misyon ay may ipinahayag na apat na adhika ng kasalukuyang medyo matagalang plano: (1) Pagpapalaganap at pagpapaunlad ng wikang Filipino, (2) Pagpapaigting at pagpapalawig ng saliksik, (3) Pagbuo, pagpapatupad, at pagsubaybay ng patakarang pangwika, at (4) Pagpapalakas ng serbisyong institusyonal.
    Sa apat na adhika, maaaring ituring na inaasahang gawain ang ikatlo at ikaapat. Pangunahing tungkulin ng Kalupunan ng mga Komisyoner ang matalik na pagsusuri sa estado ng Filipino at mga wikang katutubo upang makapaglabas ng kaukulang mga kapasiyahan at patakaran na nagtataguyod sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng Filipino at mga wikang katutubo. Inaasahang bukod sa pagiging eksperto sa mga wika niláng kinakatawan ay may taglay na pambansa’t makabansang oryentasyon ang mga miyembro ng Kalupunan upang makatugon sa ikatlong adhika. Samantala, kailangang nakahanda ang organisasyon at panloob na pamamahala ng Komisyon upang magampanan ang inaasahang higit na malalaki’t mabibigat na aktibidad pangwika. Malaking problema ang ikaapat na adhika dahil na rin sa matagal na panahong “pagtúlog sa pansitan” ng Komisyon. Sa gayon, nireorganisa sa unang taón ang mga sangay, nilapatan ng sistema ang mga trabaho sa opisina, at isinailalim sa patuloy na reoryentasyon at pag-aaral ang mga kawani at hepe sa bawat dibisyon. Bahagi ng naturang pagpapatatag ng Komisyon ang kasalukuyang pagsasaayos ng rekords at ang pagbúhay sa isang espesyal na aklatang pangwika at pangkultura.

     

    Ang unang adhika ang maituturing na pangunahing tuon ng lahat ng programa’t proyekto sa medyo matagalang plano. Sa aspektong lingguwistiko, nangangahulugan ito ng estandardisasyon at ng kaugnay na modernisasyon at kultibasyon ng wikang Filipino bílang wikang pambansa at bílang modelo sa gayunding pagdevelop sa mga wikang katutubo. Sa aspektong pampolitika, kailangang maging wika ng komunikasyong pambansa at wika ng buong sistema ng edukasyon ang Filipino.

     

    Isang espesyal na tuon ang ikalawang adhika at bunga ito ng malaking pangangailangan na maitanghal ang Filipino bílang wika ng karunungan. Bunga ito ng mga sumusunod na katotohanan: (1) Karamihan ng mga saliksik ngayon sa Filipinas ay nása Ingles. (2) Mahinà ang mga alagad ng wikang Filipino, lalo na ang mga guro, sa siyentipikong saliksik. (3) Hindi nailalahok ang halaga ng saliksik sa pagtuturo ng Filipino sa elementarya at sekundarya. (4) Kulang ang paaralang normal sa pagsasanay ng mga guro sa siyentipikong pagsusuri at metodolohiya ng saliksik. (5) Kulang o walang mga aklat na nakasúlat sa Filipino ukol sa mga larang ng agham at gawaing teknikal.
    Ang kaganapan, samakatwid, ng Filipino bílang itinatangi at ginagámit na wika ng karunungan ang susi sa tagumpay ng Filipino bílang wika ng pambansang komunikasyon at edukasyon. At mahigpit na nakasalig ang pagtatanghal sa Filipino bílang wika ng karunungan sa isang pambansang reoryentasyon sa pagtuturo ng Filipino bílang wika ng saliksik. Nangangahulugan ito ng kultibasyon ng Filipino para maging episyenteng wikang siyentipiko at teknikal kasabay ng pagsasanay sa mga guro at alagad ng wika tungo sa oryentasyong ito.

     

    Mga Estratehiya ng Pagkilos

     

    May apat na estratehikong layuning tinukoy ang Komisyon upang tupdin ang mga adhikang pangwika. Una, magtatag ng network ng mga kabalikat sa tungkulin; ikalawa, magpataas ng antas ng kaalaman ng mga alagad ng wika; ikatlo, magdevelop ng mga saliksik at mananaliksik wika at kultura; at ikaapat, lumikha ng mga materyales at instrumentong pang-edukasyon. Magkakaugnay ang apat na adhika tungo sa tagumpay ng misyong pangwika ng Komisyon; sa gayunding paraan dapat ituring ang mahigpit na relasyon ng apat na estratehikong layunin para itaguyod ang bawat at lahat ng adhikang pangwika. Ang ibig sabihin, ang isang proyekto o aktibidad ay maaaring tukuying nakaukol sa isang estratehikong layunin ngunit nagsisilbi rin para sa katuparan ng ibáng estratehikong layunin.

     

    Para sa unang estratehikong layunin, pinagbuti ng Komisyon ang kampanya upang makapagtayô ng mga Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa mga probinsiya at rehiyon. Ang mga SWK ang nagsisilbing kinatawan at galamay ng Komisyon sa labas ng Metro Manila at katulong sa implementasyon ng mga programa at aktibidad pangwika. Sa ngayon, may kabuoang 37 SWK sa buong Filipinas na nakatatag sa loob ng mga state universities and colleges (SUC), maliban sa dalawang nása San Carlos University sa Cebu at La Consolacion College sa Bacolod. May binubuo mismong kasunduan ang Komisyon sa organisasyon ng SUC upang higit na makatulong ang mga ito sa mga saliksik at ibáng proyektong pangwika.
    Bukod sa mga SWK ay inugnayan ng Komisyon ang mga pribadong organisasyon upang makatuwang sa malalaking proyekto kung hindi man tulungan sa makabuluhang aktibidad pangwika at pangkultura ng mga ito. Nangungunang itinaguyod ng Komisyon ang Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino (KASUGUFIL) na pinadadalhan ng mga empleado ng Komisyon upang magsilbing sekretaryat sa taunang kongreso nitó. Ikalawa ang Filipinas Institute of Translation (FIT) na tinuwangan ng Komisyon sa taunang kumperensiya nitóng Sawikaan (pagpilì ng Salita ng Taón) at Ambagan (pagsusuri sa mga makabuluhang salita ng karunungan at kultura mula sa mga katutubong wika). Dagdag pang pambansang organisasyon ang Wika ng Kultura at Agham (WIKA), Inc., Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at ang samahang pang-estudyanteng Baybayin sa Ateneo de Manila University.

     

    Para din sa unang estratehikong layunin, isang patuluyang gawain ng Sangay sa Edukasyon at Networking (SEN) ang matalik na ugnayan sa mga peryodiko, estasyon ng radyo at telebisyon, at social media upang epektibong maikalat ang anumang impormasyong pangmadla hinggil sa wika. Nagdaraos din ang SEN ng regular na Kapihang-Wika upang matalakay kaharap ang mga reporter, editor, at brodkaster ang mga proyekto ng Komisyon. Dagdag pa, lumilikha ang SEN ng mga polyeto at dokumentaryong pangkomunikasyon. Naglabas ito ng Diyaryo Filipino nitóng 2017. Sa kasalukuyan, may umaabot sa 700,000 visit ang website ng Komisyon at may mahigit 38,000 itong Facebook follower.

     

    Para naman sa ikalawang estratehikong layunin, pangunahing instrumento ng Komisyon ang mga serye ng seminar, palihan, at kumperensiya. Pangunahing target sa pagtataas ng antas ng kaalamang pangwika ang mga guro sa Filipino at mga empleado ng gobyerno. Noong 2013, sinimulan ang Uswag: Dangal ng Filipino na isang seminar-palihan sa otrograpiyang pambansa at masinop na pagsúlat. Nailibot na ito sa pitóng probinsiya at nilahukan ng 2,400 guro sa rehiyon. Seminar-palihan naman para sa mga empleado ang Korespondensiya Opisyal (KO) para maidiin ang tungkulin nilá sa ilalim ng EO blg. 335. Nakapagsagawa na ng KO sa 129 ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan. May pagkakataóng isinasanib ang KO sa Uswag: Dangal ng Filipino sa pamamagitan ng dagdag na araw. May pagkakataón ding bumabalik ang Uswag: Dangal ng Filipino sa isang probinsiya upang maiseminar ang mga guro na hindi nakadalo sa naunang pagsasanay.
    Dahil sa mga kahilingan at nakíta mismong pangangailangan ay nagdaos din ang Komisyon ng ibá pang mga seminar at kumperensiya. Noong 2014, sinimulan ng Komisyon ang isang serye ng kumperensiya sa mga rehiyonal na wika at panitikan. Nauna ang wika at panitikang Ilokano, at sinundan ng mga kumperensiya sa Ilonggo (kasáma ang Kinaray-a at Akeanon), Waray, Sebwano, Cordillera, Bikol, Kapampangan, Pangasinan. Nakatakdang isagawa ang wika at panitikang ARMM sa Mindanao State University sa Tawi-Tawi sa dáratíng na Nobyembre.

     

    Naging bahagi naman ng pagtupad sa kahingian ng GAD ang pagdaraos ng seminar sa pagtuturo ng panitikang gender-based. Sinimulan ito noong 2015 katuwang ang GSIS. Naging popular itong proyekto ng mga SWK kayâ mabilis na naidaos sa siyam na probinsiya sa loob ng dalawang taón. Ngayong 2018 ay naidaos na ito sa Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte at sa Benguet State University sa Benguet.

     

    Noong 2014 ay nagdaos ang Komisyon, katulong ang WIKA ng mga forum para suriin ang kurikulum ng K-12 sa Filipino. Isang rekomendasyon kaugnay ng lumitaw na kahinaan sa pagtuturo ng panitikan ang pagbuo ng isang listahan ng mga rekomendadong akda na mas mainam ituro sa bawat baitang at antas. Bílang tugon, nagdaos ang Komisyon, WIKA, at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ng mga oryentasyong pampanitikan sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang makabuo ng listahan ng mga rekomendadong akda. Naka-upload ngayon ang naturang listahan sa internet upang masangguni ng mga guro, manunulat, at pabliser bukod sa upang madagdagan pa ng mga mungkahing akda. Upang maidiin pa ang halaga ng listahan, nagdaos ang Komisyon at NCCA noong 2016 ng isang Pambansang Reoryentasyon sa Panitikan. Layunin nitóng ituon ang pagtuturo ng panitikan tungo sa pambansa at makabansang pananaw. Sa 2017, idinaos ito sa apat na pook sa pangunguna ng SWK sa Zamboanga del Norte, Bacolod, Bulacan, at Bukidnon. Idinaos ito kamakailan, nitóng 19-21 Hulyo 2018, sa Camarines Sur.

     

    May mga espesyal ding pagtitipon tungo sa katuparan ng ikalawang estratehikong layunin. Isa ang taunang Lekturang Norberto L. Romualdez na parangal sa itinuturing na “Arkitekto ng Wikang Pambansa” at idinadaos tuwing kaarawan niya sa 6 Hunyo. Sa naturang parangal, napapakinggan ang isang lektura ng isang iginagálang na eksperto sa isang disiplinang akademiko kayâ inaasahang makaaambag sa intelektuwalisasyon ng Filipino. Sinimulan ito noong Hunyo 2015 ng isang lektura sa kasaysayan ni Ambeth Ocampo at sinundan ng mga lektura nina Mahistrado Ruben T. Reyes hinggil sa batas, Howie Severino hinggil sa midya, at nitóng Hunyo 2018 ni Dr. Michael L. Tan hinggil sa seksuwalidad ng LGBTQ.

     

    Sa tulong naman ng isang espesyal na pondo mula kay Senador Loren Legarda ay nagdaos ang Komisyon ng tinawag na summit para sa mga delegado ng mga wikang katutubo. Una, ang Summit sa Wika ng Kapayapaan na idinaos sa Malaybalay, Bukidnon noong 2014 at dinaluhan ng mga kinatawan ng mahigit 100 wika at wikain ng Filipinas. Ikalawa, ang Summit sa Wika ng Kalikásan at Kaligtasan na ginaganap sa Bundok Makiling, Laguna noong 2016 at dinaluhan din ng naturang bílang ng mga delegadong pangwika. Bukod sa pagtitipon ng mga pangkating lumad ay naging palihan din ito sa paglikom ng mga katawagang katutubo hinggil sa paksa ng summit. Ang saliksik hinggil sa mga terminolohiyang pangkapayapaan ay inilathalang aklat na Kapayapaan sa Ilang Wika ng Filipinas noong 2016. Nakatakdang idaos ang isang Summit sa Wika ng Pagbabago sa Cebu sa loob ng 2018.

     

    Kahit ang mga pambansang kongreso tuwing Buwan ng Wika ay naging oportunidad ukol sa pagtataas ng antas ng kaalaman para sa mga guro. Mulang 2013, ang naturang taunang kongreso ay ipinaplanong mabuti upang malinang ang angkop na mga kaalaman at kasanayan ng guro hinggil sa tema ng Buwan ng Wika. Bukod pa, ginámit ito para sa dalawang pandaigdigang kongreso—ang Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas at ang Pandaigdigang Kongreso sa Pagsasalin nitóng 2017. Kaugnay nitó, nagkakaroon ng mga pagdiriwang para sa Buwan ng Wika sa pamamagitan ng mga tertulyang inihahandog ng mga SWK sa labas ng Metro Manila.

     

    Nagbago rin ang pagdiriwang ng Araw ni Balagtas tuwing 2 Abril mula sa karaniwang pag-aalay ng bulaklak at programang literaryo-musikal sa Pandacan, Maynila at Balagtas (dáting Bigaa), Bulacan. Simulang 2015, binigyan ng diin ng Komisyon ang higit na mahabàng pamamalagi ni Balagtas sa Udyong, Bataan at upang doon idaos ang tradisyonal na palatuntunan para sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas. Nagbunga ito ng pagtatayô ng isang bantayog para kay Balagtas na nilikha ni Julie Lluch noong 2016 at ng Kampong Balagtas—dalawang araw na palihan para sa mga pinilíng estudyante sa buong Filipinas upang mag-aral ng tula at pagsúlat ng tula, na idinadaos sa paaralang elementarya ng Udyong.

     

    Tumingkad ang pagdiriwang sa Araw ni Balagtas dahil sa proklamasyon ng Buwan ng Pambansang Panitikan tuwing Abril. Naging tagapangasiwa ng pagdiriwang sa buong Abril ang Komisyon kasáma ang NCCA at National Book Development Board (NBDB). Nitóng 2018, naging tampok sa pagdiriwang ang simbolikong seremonya ng paglilipat sa abó ni Balagtas sa paanan ng bantayog ni Balagtas sa Udyong, gayundin ang pagdaraos ng tertulyang pampanitikan sa pangunguna ng SWK sa ibá’t ibáng rehiyon. Isa pang manunulat na bayani, si Emilio Jacinto, ang ipinagpatayô ng bantayog sa liwasang bayan ng Magdalena, Laguna noong 2016 at ipinagdiwang ang kaniyang kaarawan nitóng 16 Abril 2018 sa pamamagitan ng Peregrinasyong Jacinto—isang paglalakbay ng mga alagad ng wika at panitikan sa Magdalena na naglulundo sa isang programa at lekturang pampanitikan.

     

    Inaasahang madadagdagan pa ang paksa at bílang ng mga seminar, palihan, at kumperensiya samantalang lumalawak at lumalalim ang responsabilidad ng Komisyon ukol sa pagtataas ng antas ng kaalaman at kasanayan ng sambayanan sa pagpapahalaga at paggámit ng Filipino sa kaniláng búhay at pamumuhay. Ngayon pa lámang ay may mga hiling na upang magsagawa ng mga modyul hinggil sa teorya at metodolohiya ng saliksik at pagdaraos ng kaukulang pagsasanay ng mga guro hinggil dito. Tumutulong din ngayon ang Komisyon sa NCCA upang matugunan ang kinakailangang pagtuturo ng Filipino sa mga Sentro Rizal sa ibáng bansa.

     

    Kaugnay naman ng paglinang sa malakíng kabuluhan ng pagsasalin sa multilingguwal na sitwasyon ng Filipinas, kinailangang harapin ng Komisyon ang pagbuo ng isang hukbo ng mga tagasalin sa Filipino at mga wikang katutubo. Ang pagsasalin mismo ay serbisyong frontline ng Komisyon at dumarating araw-araw ang mga kahilingan para sa serbisyong ito mula sa mga ahensiya ng gobyerno at mga pribadong institusyon. Kailangang magsanay ng kailangang bílang ng mga tagasalin. Kailangan ding maipakilála ang pagsasalin bílang isang propesyon. Simula 2017, naghandog ang Komisyon ng isang Pambansang Pagsasanay sa Tagasalin na may dalawang antas: ang tatlong araw na batayang antas, at ang ilang buwang mentoring na antas intermedya. Mahigit 20 na ang nakapasá sa batayang antas, at anim sa mga ito ang kasalukuyang nagdaraan sa antas intermedya ngayong 2018.

     

    Isang dagdag na programa sa pagsasanay ng mga tagasalin ang pagtatatag ng mga Sentro sa Pagsasalin sa mga unibersidad. Bubuksan ang isang gayong sentro ngayong Agosto 2018 sa Unibersidad ng Santo Tomas at sa tulong ng Komisyon ay inaasahang magbubukás ng mga kurso at gawaing makapagpapasigla sa pagsasalin. Plano ng Komisyon na magkaroon din ng Sentro sa Pagsasalin sa Visayas at sa Mindanao upang mapaglingkuran ang pangangailangan sa mga rehiyon sa labas ng Luzon.

     

    Mga Parangal at Gantimpala

     

    Kaugnay ng pagpapataas ng antas ng kaalaman at kasanayan ang pagbibigay ng parangal at gantimpala sa mga natatanging alagad ng wika. Kailangan ang mga parangal at gantimpala upang higit na mapasigla ang hanay ng mga alagad ng wika, patí na ang mga manunulat at manggagawang pangkultura. Kailangan ang mga parangal at gantimpala upang mabigyan ng prestihiyo ang paglilingkod para sa wika. Ginaganap ang karamihan sa mga ito sa Buwan ng Wika. Bagaman may parangal na gaya ng Dangal ni Balagtas, ang pinakamataas na gawad para sa may natatangi at hábang-búhay na gawain sa panitikan, ay iginagawad tuwing 2 Abril. Iginawad ang Dangal ni Balagtas kay Ricardo Lee nitóng Abril 2018.

     

    Isang araw sa Agosto ang inilalaang Pammadayaw upang ibigay ang mga gawad at ang gantimpala sa mga nagwagi sa mga kontest pangwika at pampanitikan.

     

    Ang Dangal ng Wika ang pinakamataas na gawad sa indibidwal at sa organisasyon/institusyon na may natatangi at matagal na panahong paglilingkod sa wikang Filipino. Igagawad sa 2018 Pammadayaw ang Dangal ng Wika sa antropologong Russian na si Maria Stanyukovich at sa grupong Dulaang UP, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Ang Kampeon ng Wika ay ibinibigay sa natatanging gawaing pangwika o pampanitikan, pambansa man o panrehiyon, at maaaring igawad sa isang angkop na pagtitipong tulad ng Pammadayaw. Ginawaran ng Kampeon ng Wika sa Bikol sina Rafael Banzuelo Jr. at Wilmer Joseph Tria nitóng 2017 at Kampeon ng Wika sa Pangasinan si Leonarda Carrera. Igagawad ang Kampeon ng Wika ngayong Agosto 2018 kay dáting KWF Komisyoner Lucena Samson.
    Ang Gawad Ulirang Guro ay isang pambansang parangal sa mga natatanging guro sa Filipino sa batayang edukasyon. Sa loob ng tatlong taón ay tinanggap ito ng 84 guro sa buong bansa. Ngayong 2018, ibinukás ang Gawad Ulirang Guro para sa mga guro sa antas tersiyarya na nagtuturo ng ibáng disiplina gámit ang wikang Filipino. Sa kabilâng dakò, ang Selyo ng Kahusayan ay isang gawad para sa anumang institusyon, organisasyon, at ahensiya na may natatanging gawain o huwarang proyekto sa paggámit ng wikang Filipino. Nagtamo ng Selyo ng Kahusayan nitóng 2017 ang sumusunod na ahensiyang pampamahalaan—ang Philpost at ang Lungsod Taguig—gayundin ang sumusunod na SWK sa Bulacan State University, Benguet State University, at Jose Rizal Memorial Sate University sa Dapitan.

     

    Isang bagong gawad ang sisimulan ngayong 2018, ang Gawad Postumo na nakalaan sa mga yumaong natatanging alagad ng wika o panitikan. Isang palatuntunang may pamagat na Rekwerdo, katuwang ang UMPIL, ang idadaos upang parangalan sa pamamagitan ng elehiya o eulohiya ang bibigyan ng gawad na ito simula sa Nobyembre 2018.

     

    Sa gantimpala, dáting dalawa lámang ang kontest pampanitikan ng Komisyon: ang Talaang Ginto: Makata ng Taón na ginagantimpalaan tuwing Araw ni Balagtas, at ang Sanaysay ng Taón na ipinahahayag tuwing Buwan ng Wika. Natriple ang mga paligsahan nang buksan ng Komisyon ang sumusunod: Iispel Mo!—isang pambansang paligsahan sa ispeling para sa mga mag-aaral sa elementarya at katuwang ngayong pinamamahalaan ng KASAGUFIL; Uswag Darepdep, isang kontest sa pagsúlat ng tula at kuwento para sa mga estudyante ng hay-iskul at gumagámit ng nahirang na mga wikang katutubo; Sali(n) Na!—isang pambansang paligsahan sa pagsasalin ng mga akda at dokumentong nakalimbag sa wikang Español; Gawad Julian Cruz Balmaseda para sa pinakamahusay na tesis at disertasyon ng taón na nakasúlat sa wikang Filipino. Bukod pa rito ang mga paligsahang pangwika, pampanitikan, o pangkultura na binubuksan sa mga SWK sa pana-panahon.

     

    Nitóng 2017 nagwagi ng Gawad Julian Cruz Balmaseda ang tesis ni Esekiel Mananais Fajardo at ang disertasyon ni Lavella Gamponio Velasco. Ngayong 2018 nagwagi ng naturang gawad ang disertasyon ni Emmanuel C. de Leon. Nakuha naman ng Rehiyon Mimaropa ang unang gantimpala sa Iispel Mo! nitóng 2017. Si Francis Juen naman ang nagwagi sa Sali(n) Na sa kaniyang salin ng Discursos y Articulos Varios ni Graciano Lopez Jaena.

     

    Isa pang malaking pagdiriwang hinggil sa halaga ng mga wikang katutubo ang proyektong Bantayog-Wika na may espesyal na pondo mula kay Senador Loren B. Legarda. Layunin ng proyekto na magtayô ng mga monumento para sa mahigit 131 katutubong wika ng Filipinas upang maidiin ang malaking kabuluhan ng mga wikang katutubo bílang pamanang pangkultura. Sa 2018, nagsimula ang proyekto sa mga Bantayog-Wika para sa Kiniray-a sa Antique, Tuwali sa Ifugao, Mandaya sa Lungsod Mati, Mangyan sa Lungsod San Jose, Mindoro, Kalinga sa Tabuk, at Binukid sa Malaybalay.

     

    Wika ng Saliksik at Karunungan

     

    Isang napakabigat ngunit kailangang gawing pangunahin ang pagtataguyod sa ikatlong estratehikong layunin. Nakasalalay dito ang pagkilála sa Filipino bílang wika ng edukasyon, lalo na sa antas tersiyarya. Bukod pa, isang malaking pangangailangan ang pagpapalaganap sa kultura ng saliksik sa buong sambayanan upang tunay na magámit ang edukasyon tungo sa mga malikhain at produktibong aktibidad na kailangan sa pag-unlad ng bansa. Sa taóng ito, itinanghal pa ng Komisyon ang temang “Filipino: Wika ng Saliksik” upang idiin ang kabuluhan ng paggámit ng wikang higit na malapit sa isip ng taumbayan tungo sa higit na paglaganap ng kapaki-pakinabang na saliksik sa anumang larang at mukha ng búhay.

     

    Sa panig pa ng Komisyon, nangangahulugan ito ng higit na malawakan at malalimang saliksik pangwika. Kailangan ang mas komprehensibong pag-aaral sa mga wika at pangkating katutubo; kailangang madagdagan o maiwasto ang mga lumang saliksik pangwika; kailangang matukoy ang mga problema sa saliksik pangwika; bukod sa kailangang masinop ang lahat ng kaalaman at impormasyon sa mga wika at pangkating katutubo. Ito ang mga pangunahing patnubay at layunin ng Lingguwistikong Etnograpiya, isang malaking saliksik pangwika na inumpisahan ng Komisyon sa tulong ni Senador Loren B. Legarda upang higit na maitaguyod ang isinaaklat na Atlas Filipinas (2016) at upang magampanan din ang isang artsibo ng mga wika sa lalong madalîng panahon. Ngayong 2018 ay pinondohan ng Komisyon ang mga saliksik ng indibidwal at institusyon hinggil sa 34 wika at pangkating katutubo.

     

    Una sa layuning ito ang mga gawain tungo sa estandardisasyon at development ng wikang Filipino. Mula pa 2013 ay naging aktibo ang Komisyon sa pagbuo at pagpapalaganap ng Ortograpiyang Pambansa. Noong 2015, ikinawing dito ang armonisasyon sa mga ortograpiya ng wikang katutubo, lalo na ang mga ginagámit sa MTB-MLE, dahil sa layuning mahusay na maitulay ang K-3 sa pagtuturo ng Filipino at higit na matamô ang pambansang literasi. Sa kasalukuyan, may aprobado nang ortograpiya ang mga wikang Kapampangan, Pangasinan, Malaweg, Kalanguya, Kankanaëy, Ibaloy, Kinamayu, at Itawit.

     

    Samantala, isang kaugnay na proyekto ang pagbuo ng isang Gramatikang Filipino upang tunay na maging pambansa ang itinuturong wikang Filipino. Inumpisahan ang mga forum hinggil dito nitóng 2017 at ito ang lundo ng 2018 KWF Kongreso.

     

    Isang mahalagang aspekto ng saliksik pangwika ang napagtuonan ng pansin ngayong 2018. Ito ang pagtukoy at pangangalaga sa mga wikang nanganganib maglahò (endangered languages). Noon pang 2016 ay nagsimula na ang pagdodokumento ng mga pangkating Agta (Ita, Ati, Negrito, atbp) dahil na rin sa napapansing kawalan ng tangkilik sa mga ito. Kaugnay nitó, binuo ang proyektong Bahay-Wika, na isang eksperimento upang maibalik ang pagpapahalaga at paggámit sa wikang nanganganib maglahò. Ngayong 2018 ay sisimulan na ang Bahay-Wika sa Abucay, Bataan at iuukol sa edukasyon ng Ayta Magbukon.

     

    Malaking senyas din para sa Komisyon ang napipintong Pandaigdigang Kumperensiya hinggil sa mga Nanganganib na Wika, gayundin ang seminar hinggil sa paglikha ng artsibo ng mga wika, na kapuwa magaganap sa hulíng quarter ng 2018. Inaasahang magiging lunsaran ito ng higit na malalaking inisyatiba para sa pagdiriwang ng idineklara ng Unesco na “Pandaigdigang Taón ng mga Katutubong Wika” sa 2019.

     

    Sa kabilâng dako, patuloy at walang-humpay ang pagsusúlong ng Komisyon sa Filipino bílang wika ng karunungan sa pamamagitan ng patuluyan nitóng saliksik pangkultura, gaya ng saliksik sa terminong panghanapbuhay, at sa paglalathala ng mga aklat at babasahín sa ibá’t ibáng disiplina at aspekto ng búhay pambansa. Hinggil sa saliksik sa loob ng Komisyon ay tinatapos na ang saliksik sa mga katawagan sa pangingisda at pagsasáka. Samantala, mula 2013 ay lumawak at tumindi ang paglalathala ng Aklat ng Bayan upang masustenehan ang lunggating magkaroon ng mga mahusay at angkop na materyales ang pagsasalin, pagtuturo ng Filipino sa lahat ng antas at mga disiplina, at ang paghahanap sa mga sangguniang pang-edukasyon. Kung hindi man ipinagbibili sa napakamúrang halaga ang mga aklat at babasahin sa Aklat ng Bayan ay ipinamamahagi ito sa mga pilìng aklatang pampubliko sa probinsiya.

     

    Sa ngayon, umaabot na sa 110 titulo ng Aklat ng Bayan ang nailathala ng Komisyon. Nitóng 2017, kabílang sa mga inilathala ang 14 na akdang salin, limáng sangguniang aklat, at mahigit 10 monograp pangwika, akdang pampanitikan, at mga babasahíng saliksik. Nakapagpamahagi ng mga kopya nitó sa 81 aklatang pampubliko. Naka-upload ang mga aklat sa KWF website at maaaring i-download nang libre.

     

    Interesado rin ang Komisyon na lumikha ng mga materyales pangwika para sa social media. Isang halimbawa ang spellchecker na kasalukuyang kinikinis at inaasahang maipagagámit sa madla sa taóng ito. Nakatakda ring lumikha ang Komisyon ng mga lakbay-eksibit na ipahihiram sa mga aklatang pampubliko at sa mga SUC na may SWK. Kung hindi mabolilyaso, pangarap ng Komisyon ang pagtatayô ng isang Gusali ng Wika hindi lámang upang magkaroon ng sariling bilding ang mga empleado nitó kundi upang maging tanghalan ng isang Museo ng Wika, artsibo, aklatan, at laboratoryo sa pagtuturo ng wika.

     

    Marangal ang Filipino

     

    Bago ako magtapos, nais kong balikan at ipapansin ang dalawang salita na malimit kong gamítin sa ganitong okasyon.

     

    Una, ang “dangal.” Nakatampok ito sa unang islogan ng Komisyon mulang 2013: “Sulong: Dangal ng Filipino!” at “Uswag: Dangal ng Filipino!” Nabanggit ko na kanina ang kabuluhang ideolohiko ng “uswag” kaugnay ng tahas na patakaran ng Komisyon na pangalagaan ang mga wikang katutubo ng bansa. Ngunit bakit kailangang itaas ang “dangal” ng Filipino? Nawawala ba o mahinà ba ang dangal ng Filipino—kapuwa ng wikang Filipino at ng mamamayang Filipino?

     

    Hindi magandang aminin, ngunit kailangang magsimula táyo sa realistikong pagtitig sa ating sarili. Ang maliwanag na mabagal na paglaganap ng Filipino bílang wikang pambansa ay hindi ganap na kasalanan ng kawalan ng malasákit ng pamahalaan at mahinàng pamumunò ng SWP at KWF. Malaking bahagi ng problema ay ang mahinàng tingin nating mga Filipino sa anumang maituturing nating sarili at dapat ipagmalakí. Ang imperyor nating pagtingin sa ating sarili bílang tao at bílang nasyon ay tumatalab sa mahinà nating turing sa sarili nating Wikang Pambansa. Anupa’t ang islogang “Uswag:Dangal ng Filipino!” ay isang plataporma para hanguin natin ang ating sarili mula sa balon ng kahinaan, maghangad ng kaunlaran para sa ating bayan, at kasabay na pahalagahan ang ating katutubong kultura.

     

    Ikalawa, ang kababanggit ko na lang na “kultura.” Bakit hindi magtuon lámang sa wika? Bunga naman ito ng bisyon ng kasalukuyang Kalupunan ng KWF na ang wika ay isang salik, isang pangunahin at napakahalagang salik, ng kulturang pambansa. Hindi maaaring mabúhay ang wikang Filipino sa loob ng isang banyagang kultura, at kahit na sa loob ng isang Filipino nga ngunit magusot, mapinsalà, baluktot, at pira-pirasong kultura. Kinakatawan sa gayon ng wikang Filipino ang ating masaklaw na adhikang itaas din ang dangal ng pambansang kultura ng Filipinas. Kayâ binago namin ang pangalan ng mga sentro upang maging Sentro ng Wika at Kultura. Ang isang tunay na pambansa, modernisado, at episyenteng wikang Filipino ay magsusupling at uuswag lámang sa kandungan ng isang buo at nagkakaisa, progresibo, at malusog na kulturang Filipino. O kayâ, dapat itanghal ng ating wikang pambansa—ng wikang Filipino—ang isang marangal na pambansang kultura.

     

    Sana kasáma namin kayóng lahat sa labang ito. Mabuhay ang marangal na wikang Filipino! Mabuhay ang marangal na kulturang Filipino! (Virgilio S. Almario/Komisyon sa Wikang Filipino)

    Stay in the Loop

    Get the daily email from CryptoNews that makes reading the news actually enjoyable. Join our mailing list to stay in the loop to stay informed, for free.

    Latest stories

    - Advertisement - spot_img

    You might also like...